Tuesday, February 19, 2008

Sinong susunod na iwawala?


Nabalitaan mo ba ang huling nangyaring pagdukot? Posibleng kakilala ng kakilala mo ang biktima, o nangyari ito sa lugar na alam mo. O siguro ay hindi mo kilala ang dinukot, at iniisip mong malayong mangyari ito sa iyo, sa pamilya o kaibigan mo, o kahit kaninong kakilala mo. Kasi nga ay mga aktibista lang ang dinudukot, mga “kaaway ng gobyerno.”

Nagkakamali ka. Kahit sino, pwedeng maging biktima ng sapilitang pagkawala. Umaabot na nga sa halos 2,000 katao mula nang panahon ng Diktadurang Marcos hanggang sa kasalukuyan. Oo, karamihan sa mga biktima ay mga aktibista o miyembro ng organisasyon. Pero marami rin ang nagkataong kaanak lang ng aktibista, tulad ni Romulos Robiños na isang taon nang nawawala sa Pampanga, o katulad ni Gerardo Nawe na dinukot at nawala noong Martial Law matapos mapag-initan ng anak ng militar sa isang club sa Maynila. Pati bata, hindi sinasanto, tulad ni Mary Jane Opo, 14 anyos, dinukot kasama ng kanyang tiyahin nitong Enero. At ang magkakapatid na mga batang Fabella na kasama ang kanilang mga magulang na dinukot ng mga sundalo sa Samar.
Pwersahang kinuha, at itinago, pinahirapan, ininteroga, at kung buhay man o patay, ang mga gumawa lang ng krimen ang nakakaalam. Iyan ang SAPILITANG PAGKAWALA, ang pinakamalalang anyo ng paglabag sa karapatan pantao. Paglabag ito sa karapatan ng indibidwal sa due process , karapatan laban sa iligal na pag-aresto, arbitraryong pagkakulong at tortyur, karapatan sa kalayaan, sa buhay. Pati na ang karapatan laban sa pagkasalaula ng bangkay ay nilalabag. Nilalabag din ang karapatan ng pamilya ng biktima, na naiiwan sa walang-katapusang paghahanap at pag-aalala sa kaanak nila. Napakasakit mawalan ng mahal sa buhay, at mas lalo na dahil hindi matiyak ang kinasapitan ng biktima.

Sinong gumagawa nito? Sino ba ang nakikinabang sa bawat aktibista o organisador na mawala? Malinaw na tinutukoy sa United Nations Convention for the Protection of All Persons against Enforced Disappearance na ang sapilitang pagkawala ay ipinapatupad ng mga tauhan o opisyal ng gobyerno o sinumang kumakatawan sa gobyerno, na sadyang itinatanggi na may kinalaman sila sa pagkawala ng biktima. Sa Pilipinas, nagpakahusay na ang militar sa pagpapatupad nito, kaya nagagawang walang bakas, walang ebidensya, walang testigo sa pagdukot. Ginagawa rin ito ng pulis at CAFGU. At kung me testigo man, mas madalas na tinatakot, o dinudukot din.

Kahit isang maysala sa mga kaso ng pagkawala, wala pang nahahatulan ng korte at napaparusahan.

Sa mga nangyaring mga pagdukot ng militar kamakailan, inililitaw nila ang mga biktima, pero matapos paranasin ng matinding pananakot, saykolohikal at pisikal na pagpapahirap, tulad ni Pastor Berlin Guerrero na dinukot nitong Mayo sa Cavite, pero patuloy na ikinukulong dahil sa mga pekeng kaso. Si Lourdes Rubrico, isang 63-anyos na lider maralitang lunsod, ay hinimok namang maging espiya sa mga kasamahan niya, at nagkunwa siyang pumayag dito para lang makawala.

Pati ang writ of amparo – ang kautusang inilabas ng Korte Suprema at naging epektibo nitong Oktubre – ay sinisikutan ng mga militar para palabasing wala silang ginawang paglabag sa karapatan. Gaya ng ginawang paglilitaw kay Ruel Muñasque na dinukot ng mga paramilitia sa checkpoint, ilang araw na itinago sa naghahanap niyang pamilya, at inilabas na lang matapos magpetisyon para sa writ of amparo ang mga kaanak niya. Si Luicito Bustamante ng Davao, ang pamilyang Malapote, ang dalawang pinaghihinalaang rebelde sina Jeffrey Panganiban at Juvy Ortiz sa Quezon – silang lahat ay inilitaw ng mga militar na dumukot sa kanila matapos magpetisyon ang mga kaanak nila, pero lahat sila, noong una, ay humiling na manatili sa “kustodiya” ng militar. Ikaw man ang pwersahang dakpin, itago sa pamilya, pahirapan nang ilang araw, sa sobrang takot, gagawin mo na ang lahat para lang mabuhay. At iyan ang pinanghahawakan ng mga militar na gumagawa ng mga pagdukot: ang naiiwang takot.

Pero hindi nawawalan ng pananagutan sa krimen ang mga militar kahit pa inilabas nila ang mga biktima. Mas lalo pa ngang napapatunayan na militar ang gumagawa ng mga pagdukot at sapilitang pagkawala, ng mga interogasyon at pagtortyur, sa loob ng mga pasilidad ng gobyerno, kampo ng militar, at gamit ang mga rekurso ng gobyerno.

Sa isang desisyon ng Court of Appeals, sinabi nitong hindi pwedeng isama si Gloria Arroyo bilang respondent sa petisyon para sa amparo, dahil daw sa immunity nito sa mga habla. Pero bilang commander-in-chief ng Armed Forces of the Philippines na siyang sinisisi sa mga pagkawala, hindi ba’t dapat din siyang managot?


Sa ilalim ng rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo, daan-daan na ang dinukot: ang mga pinalad ay buhay pero ikinulong. Ang iba’y inilitaw ang bangkay, at kabilang na sa 887 biktima ng extrajudicial na pamamaslang. Ang biktima ng sapilitang pagkawala ay umabot na sa 185, mga pinaghahanap pa rin at di tukoy ang kinasapitan.

Mahigit 700 ang biktima ng sapilitang pagkawala noong Martial Law ni Marcos, mahigit 800 sa ilalim ng Rehimeng Aquino. Tinatawag silang desaparecidos, ang salitang Kastila para sa “mga nawawala” at ginamit na termino sa Latin America kung saan libu-libo ang naging biktima sa ilalim ng mga pasistang rehimen. Ang sapilitang pagkawala ay bahagi ng patakarang ipinapatupad ng isang gobyerno na layong supilin ang mamamayan. Ganito ang kalagayan natin sa ilalim ng ilehitimong Rehimeng Arroyo, na nilalabag ang lahat ng karapatan ng mamamayan para lang makapanatili sa poder.

Paano matitigil ang sapilitang pagkawala? Ano ang magagawa ng karaniwang taong tulad mo? Makiisa sa mga panawagan para sa pagpapatigil sa sapilitang pagkawala. Suportahan ang panukalang batas sa Kongreso para sa pagpaparusa sa mga nagsasagawa ng krimeng ito. Suportahan ang panawagang ratipikahin ng gobyerno ng Pilipinas ang UN Convention para sa proteksyon ng lahat laban sa sapilitang pagkawala. Makiisa sa pagpapatalsik sa ilehitimong rehimeng Arroyo.

No comments: