“KARAPATAN”
Ikaw ay isinilang, kakambal ng iyong karapatan
Magulang mo ay nasa tabi, para ikaw ay protektahan
Tulad din sila ng karamihan, ni langaw di ka padadapuan
Higit pa doon, di papayag na ikaw ay masaktan.
Sa paglipas ng panahon, ikaw ay laging ginagibayan
Sa landas na tinatahak, patuloy ka nilang inaalalayan
Tagubilin lang sa’yo at lagi mo sanang pakatandaan
“Mag-ingat ka lagi anak,” iya’y ‘wag mong kalilimutan.
Maging kami man, mga sinambit mo’y pingdaanan
Pag-alala ng magulang ngayo’y aming nararanasan
Sa aming mga anak na minahal namin nang lubusan
Buhay ma’y itataya para sa kanilang kaligtasan.
Ngayo’y may mga magulang na inagawan ng karapatan
Sa mga anak nila na pinaka-iingat-ingatan
Mga anak na nawala’t kinuha nang sapilitan
Ng mga armadong militar, dinukot nang walang laban.
Mga magulang na luhaan, sa pagkawalay ng mahal na anak
Patuloy sa paghahanap, sa mga lugar na kaligtasa’y di tiyak
Katuwirang di bale nang buhay nila ay mapahamak
Ang makita at mayakap lamang ang minamahal nilang anak.
Sa panahon ng pag-iyak, paninimdim ay di sumapat
Naghihimagsik na damdamin, pag-iisip ay iminulat
Tama na ang pagluha, pagkilos na ang nararapat
Lumantad at lumaban, karapatan ay isiwalat.
Ngayon mga kabataan, kayo ay magiging magulang din
Pag-aalala sa anak ay madarama n’yo rin
Damhin n’yo nang maaga, nagpupuyos naming damdamin
Karapatang aming ipinglalaban, dapat n’yong alamin.
Sa estado ng lipunang ginagalawan natin
Kasama sa plano, karapatan ng mga maliliit ay sikilin
Nitong mga gahaman at buwaya sa bansa natin
Panggigipit at pagpapahirap, ito y pigilan natin.
Ang hubaran ng karapatan, ito’y ‘wag nating pahintulutan
Pagka’t ang mabuhay nang malaya ay karapatan ng bawat isa sa atin
Karapatang labanan, usigin mga nagsasamantala sa atin
karapatang taglay natin, ipaglaban saan man makarating!
No comments:
Post a Comment