“DESAPARECIDOS”
Mga Pamilya ng Sapilitang Pagdukot
Bandilang itim na aming iwinawagayway
Simbolo ng paninimdim at pagkalumbay
Damdaming nangungulila sa mga mahal namin sa buhay
Ipagpapatuloy kanilang laban, ituring man kaming kaaway.
Desaparecidos, mga nag-iingay sa lansangan
Kinukunan ng video minsan ay nasa pahayagan
Sumisigaw at ipinaaalam tunay na kalagayan
Nitong mga gahaman, at tunay na berdugo ng bayan.
Desaparecidos, yan ang sa amin ay ipinangalan
Sugatan ang mga puso, lungkot ay di maibsan
Humihingi ng hustisya at tunay na karapatan
Mahirap o mayaman, maging patas ang katarungan.
Tindi ng sikat nitong haring araw
Hindi alintana pagkat galit ang nangingibabaw
Sukdulang bukas kami naman ang mapagbalingan
Nitong sandatahang aral kay Palparan.
Kung inaakala nitong mga limatik na sandatahan
Yaong dinukot nila, kalaba’y mababawasan
Nagkakamali sila, pagka’t bilang ay nadaragdagan
Tatayo, sisigaw, lalantad at lalaban.
Di kami nagtataka sa sandatahang sunud-sunuran
Dahil alam namin na karamihan ay kulang sa kaalaman
Parang robot na kailangan pang susian
At humiram ng tapang sa terorista ng bayan.
Meron pa ba namang dapat na patunayan
Lahat naman tayo aybhubad nang isinilang
Walang saplot kahit yaong nasa pamahalaan
Bakit kaya ngayon sila itong naghahari-harian
Mananahimik na lamang ba kami at hindi na tututol
Mga mahal namin sa buhay itong aming hinahabol
Sa mga militar na kumuha’t berdugo kung humatol
Na kung umasta ay parang mga asong ulol!
DESAPARECIDOS! TUMAYO TAYO PARA SA MGA MAHAL NATIN SA BUHAY!
LUMABAN KUNG ITO ANG PARAAN AT MAGING MATIBAY!
HANGGANG SA SANDALING MAKAMIT NATIN ANG ATING PINAKAHIHINTAY!
ITAAS ANG KAMAO!
PASUSUKUIN NATIN ANG MGA KAAWAY!
Tuesday, February 19, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment